LECHON
Wednesday, November 24, 2010
Lechon: Tunay na tatak Pinoy!
Madami na ang mga pagkaing natikman ko ngunit isa lamang ang tumatak sa aking panlasa at ito'y walang iba kung hindi ang Lechon. Alam kong maraming sasang-ayon sa akin na isa sa kanilang mga itunuturing na paboritong putahe ang Lechon. Ito ang kinikilalang pambansang ulam ng bansa. Sinumang Pilipino saan mang dako o panig ng bansa ang iyong tanungin ay tiyak na tiyak na kilala ito. Kaakibat na ang Lechon sa tuwing mapag-uusapan ang bansang Pilipinas sapagkat ito'y tunay na tatak Pinoy. Sa aking pagsasaliksik, maraming dayuhan ang dumadayo pa sa ating bansa upang matikman lamang ito. Totoo nga namang hindi ka magsisisi. Balat pa lamang, ulam na! Kaya't hindi nakapagtataka kung bakit hilig ito ng nakararami.
Ang Lechon ay madalas na nakahain sa mesa kapag mayroong mga pagdiriwang, salu-salo, mga okasyon tulad ng kaarawan, binyag, kasal at lalong lalo na sa mga pista. Simbolo ito ng kasaganaan dahil ito ay karaniwang nakikita sa hapag at handaan ng mga Pilipinong nakaririwasa ang pamilya. Paano ba ito niluluto? Ang baboy ay itinutuhog sa isang kawayan at iniihaw sa uling hanggang ang balat ay maging mapula at malutong at ang karne ay lumambot. Ang sarap ng Lechon ay hindi makukumpleto kung wala ang sarsa nito. Ang sarsang ginagamit na pangsawsaw ay gawa sa inihaw na atay na dinikdik ng pinung-pino at pinakuluan ng may kasamang paminta at asukal upang makapagbigay ng hustong linamnam na ayon sa panlasa ng Pilipino. Ngunit sa kabilang banda, ang Lechon ay may kamahalan sa presyo. Kung kaya't kalimitan lamang natin itong kinakain. Sa kasalukuyan, ang halaga ng Lechon ay umaabot mula isang libong piso hanggang limang-libong piso. Karaniwang itong mabibili sa La Loma sa Lungsod Quezon na siyang itinuturing bilang Lechon Capital ng Pilipinas. Ito ay kadahilanang ang lugar na ito ay napapaligiran ng tabi-tabing establisamiyento na nagbebenta ng Lechon na dinadayo ng mga dayuhan pati na rin ng mga taga-Maynila lalo na sa mga kalye ng Calavite at Amoranto. Sa kasalukuyan ay marami na ring pamosong tindahan ng Lechon sa Maynila tulad ng Mila's Lechon, Lydia's Lechon, Ping-Ping's Lechon at iba pa.
Ibang saya talaga ang dulot sa akin sa tuwing ako'y nakakatikim ng Lechon. Minsan lang ako makatikim nito kaya't kadalasa'y hinahanap hanap ko ang lasa nito. Mabuti na din ang paminsanang pagkain nito sapagkat ito'y nagdudulot ng cholesterol at iba pang fatty deposits sa ating katawan na makapagdudulot ng iba't-ibang sakit sa atin. Hindi talaga maitatangging napakalinamnam ng Lechon ngunit nangangailangan din ng disiplina at kontrol sa pagkain nito.
-Katherine Anne M. Macabanti, 1T1
Subscribe to:
Posts (Atom)